Hiningi ng Department of Transportation (DOTr) ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pag-iimbestiga sa naipuslit na dalawang Bugatti Chiron sports cars na nagkakahalaga ng P330 milyon.
Nabatid na sumulat kahapon si Transportation Sec. Jaime Bautista kay NBI Dir. Medardo de Lemos para tumulong sa isinagawang imbestigasyon.
Nais ni Bautista na malaman kung may sangkot silang kawani matapos maiparehistro sa Land Transportation Office (LTO) ang dalawang mamahaling sasakyan.
“The LTO-National Capital Region already investigated the matter and it was discovered that documentary and procedural irregularities appear to surround the eventual registration of these luxury vehicles,” ani Bautista.
Ipinabubusisi din ni Bautista sa Office of the Assistant Secretary for Road Transport and Non-Infrastructure and Special Action and Intelligence Committee for Transportation ang proseso sa pagpaparehistro ng “luxury vehicles.”
Isinuko ang pulang Bugatti Chiron sa Bureau of Customs noong Pebrero 9 at Pebrero 21 naman naman nang isuko na rin ang asul na Bugatti Chiron.