Kumpiyansa si Senator Sonny Angara na malaki ang maitutulong ng bagong Tatak Pinoy Law para mapaunlad ang ekonomiya ng bansa.
“Ang hangarin ng Tatak Pinoy ay ang pagpapatatag ng ating ekonomiya sa pamamagitan ng mas malakas na koordinasyon ng gobyerno at ng pribadong sektor,” sabi ni Angara, ang pangunahing may-akda ng batas.
Dagdag pa niya: “Sa pamamagitan ng Tatak Pinoy ay malaman natin ang mga kailangan ng mga negosyante upang mapalakas ang kanilang mga operasyon at kung paano makakatulong ang gobyerno para makamit nila ang hangarin na ito.”
Paliwanag niya sa pamamagitan ng naturang batas, bibigyang suporta ng gobyero ang mga industriya para mapagbuti ang kanilang operasyon para sila ay makilala hindi lamang sa bansa kundi sa buong mundo.
Magiging daan aniya ang Tatak Pinoy para mahikayat ang mga negosyante na palakasin at paghusayin ang kanilang mga produkto.
Bahagi din aniya ng batas ang pagbibigay kaalaman at kahusayan sa mga manggagawa bilang pagkunsidera sa kailangan ng mga negosyante.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni Angara si Pangulong Marcos Jr., sa pagsuporta sa Tatak Pinoy at pagtitiyak niya na makakatulong ito para maabot ang Philippine Development Plan.