Lacson kay Bato: ‘Ikaw lang dapat ang boss ng PNP’

 

Inquirer file photo

Bilang isa ring dating hepe ng pulisya, may ibinigay na payo si Sen. Panfilo “Ping” Lacson kay PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay sa pamamahala niya sa organisasyon.

Ayon kay Lacson, dapat tiyakin ni Dela Rosa na isa lang ang boss sa PNP at siya lang dapat iyon.

Kilala ni Lacson si Dela Rosa dahil nanilbihan itong task force commander sa Mindanao sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force noong panahon na nanungkulan ang senador sa ilalim ng administrasyong Estrada.

Aniya maliban sa pagiging matapang sa pananalita, si Dela Rosa ay simple at tahimik, pero umaaksyon at ginagawa ang kaniyang mga sinasabi.

Payo ni Lacson kay Dela Rosa, kailangan niyang ipakita sa mga pamumunuan niyang libu-libong pulis sa buong bansa na siya lang ang boss at dapat sundin at wala nang iba, lalo na kung may mga mangingialam na pulitiko sa pagtatalaga ng mga hepe ng pulis sa kanilang mga lugar.

Oras kasi aniya na sa ibang tao nanggaling ang posisyon na hawak ng mga pulis na mas mababa sa kaniya, hindi na siya rerespetuhin ng mga ito dahil utang nila ang kanilang pwesto sa ibang tao at hindi sa kaniya.

Ibinunyag rin ni Lacson na sinabi ni Dela Rosa sa kaniya na ilang kongresista na ang sumulat sa kaniya para mag-rekomenda ng mga maitatalagang opisyal ng pulis sa kanilang mga distrito.

Dumaan pa aniya ang mga ito kay Pangulong Duterte at saka ipinasa sa kaniya.

Dapat aniyang maipaliwanag ni Dela Rosa kay Duterte ang kahalagahan ng kaniyang kapangyarihan bilang PNP chief upang madisiplina niya ang mga sarili niyang tauhan at makapagpatupad siya ng mga polisiya na rerespetuhin ng mga ito.

Read more...