Sa huling memorandum na nilagdaan ni dating Education Secretary Armin Luistro, pinaalalahanan niya ang lahat ng mga paaralan sa buong bansa na paghandaan ang mga epekto ng habagat na nagdudulot ng malawakang pag-baha.
Ibinilin ni Luistro sa lahat ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) at ang mga pinuno ng mga public at private elementary at high schools na tiyaking handa ang lahat ng kanilang mga tauhan at mag-aaral sa panahon ng tag-ulan.
Ginawa niya ito upang aniya masiguro na mailayo sa kapahamakang dala ng malalakas na ulan ang mga tauhan, estudyante, guro, pasilidad at kagamitan ng bawat paaralan.
Hinikayat rin ng DepEd ang mga paaralan na laging magsagawa ng school disaster response drills o simulations, ihanda ang school contingency plan at ang pagpapaskil ng mga emergency hotline numbers sa mga silid aralan at opisina.
Dapat rin aniyang may alam ang lahat ng mga tauhan ng paaralan at mga estudyante tungkol sa mga sama ng panahon, mga posibleng epekto nito at mga dapat gawin sa tuwing nangyayari ito gamit ang mga impormasyon mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.