Pilipinas, pang-pito sa paboritong target ng mga mobile malware

 

Nasa ikapitong puwesto ang Pilipinas sa mga bansang sinasalakay ng mga mobile malware o malicious software.

Ito ang lumitaw sa pag-aaral ng cybersecurity firm na Kaspersky Lab.

Ayon sa Kaspersky Security Network, sa kabuuang 213 bansa na kanilang sinaliksik, nasa 16 na porsiyento o katumbas ng dalawa sa bawat sampung gumagamit ng kanilang cellphone ang inatake ng malware sa unang bahagi ng taong ito pa lamang.

Ito anila ay mas mataas ng sampung porsiyento kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Ayon kay Anthony Chua, territory channel manager for the Philippines and Singapore ng Kaspersky Lab Southeast Asia, dahil sa milyun-milyon ang bilang ng mga may cellphone sa bansa, hindi kataka-takang target tayo ng mga cybercriminals.

Dahil dito, dapat aniyang palaging ingatan ng mga Pinoy ang security ng kanilang mga cellphone upang hindi mabiktima ng mga cybercriminals.

Sa tala ng Kaspersky, ang China ang may pinakamataas na antas ng banta ng malware na sinundan ng Bangladesh, Uzbekistan, Algeria, Nigeria, India at Indonesia.

Read more...