Inaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang pagbibigay ng P100 dagdag sahod sa mga minimum wage earners sa pribadong sektor.
Bumoto ang 20 senador pabor sa panukala, walang kumontra at wala din ng nag-abstain ng ilatag para pagbotohan sa plenaryo ang panukala.
Hindi naman nakaboto sina Sens. Lito Lapid, Imee Marcos, Cynthia Villar at Mark Villar.
Tinatayang 4.2 milyong manggagawa ang makikinabang sa naturang panukala.
Bago pa ang botohan, nilinaw ni Sen. Francis Escudero na hind makakaapekto ang panukala sa RA 6727 o ang Wage Rationalization Act of 1989, gayundin ang RA 9178 i ang Barangay Micro Business Enterprises Act of 2002.
Hindi sakop ng panukala ang mga maliliit na negosyo na may hanggang 10 lamang ang mga manggagawa, gayundin ang mga may puhunan na P3 milyon pababa.
Ayon kay Sen. Jinggoy Estrada ang panukala ay tugon na lamang sa pangangailangan ng mamamayan.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, magandang panimula ang panukala para sa pinapangarap niyang pagkakaroon ng “living wage.”
Napapanahon sabi naman ni Sen. Grace Poe ang panukala dahil matagal ng panahon nang huling magpasa ng legislated wage hike.