Umugong ang balita na patatalsikin sa puwesto si Senator Juan Miguel Zubiri bilang namumuno sa Senado at duda ng ilang senador ito ay nagmula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Nilinaw ni Zubiri na ang kanyang pananatili sa puwesto ay base sa kagustuhan ng kanyang mga kapwa senador.
Naniniwala na lamang ito na may pagsusumikap o pagkilos para sirain ng tuluyan ang Senado at pagbabahagi pa niya na noong nakaraang linggo ay nalaman na niya ang sinasabing kudeta laban sa kanya.
Ayon naman kay Senate Majority Leader Joel Villanueva ayaw niyang makabuo ng teorya ngunit batid naman aniya kung saan nagmumula ang mga banat at nadamay na ang posisyon ni Zubiri para sila ay hatiin.
Itinuro naman na ni Deputy Majority Leader JV Ejercito ang Kamara na pinagmulan ng sinasabing pagpapatalsik kay Zubiri dahil na rin sa mga isyu na lubos na hindi napapagkasunduan ng dalawang kapulungan.