Commissioner ng NCSC sinuspindi ng Malakanyang dahil sa ibat-ibang reklamo

INQUIRER PHOTO

Ginawaran ng 90-day preventive suspension ng Office of the President ang isang komisyoner ng National Commission on of Senior Citizens dahil sa ibat-ibang reklamo.

Sa apat na pahinang notice of charge, na pinirmahan ni Executive Sec. Lucas Bersamin at may petsang Pebrero 2, epektibo ang suspensyon kay Comm. Reymar Mansilungan pagkatanggap niya ng kopya ng abiso.

Ang suspensyon ay base sa mga reklamo nina Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes at Miguelito M. Garcia.

Kabilang sa mga reklamo kay Mansilungan ay serious dishonesty, gross neglect of duty, grave misconduct, gross insubordination, at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Matapos ang pagsasagawa ng preliminary investigation, lumabas na may mga sapat na basehan.

Nabatid na mali ang inilagay na educational attainment ni Mansilungan sa kanyang aplikasyon bilang komisyoner ng NCSC, tumanggap din siya ng bayad mula sa pondo ng gobyerno sa pag-upa sa isang bahay sa Lucena City na walang resibo at paggamit ng pondo ng ahensiya para sa kanyang mga pagkain maging sa mga nakakalasing na inumin.

Inireklamo din si Mansilungan dahil sa hindi pagtatalaga sa isang Irene Dumlao bilang executive director ng NCSC sa kabila ng nominasyon ng noon ay Pangulong Duterte.

Bukod pa dito, ginamit din daw ni Mansilungan ang “resources” ng NCSC sa kanyang mga pribadong aktibidades, pagbibigay ng mid-year bonuses sa contract of service personnel na paglabag sa polisiya ng Department of Budget and Management at Commission on Audit (COA).

Nabigyan naman si Mansilungan ng 10 araw upang magsumite ng kanyang paliwanag at mga ebidensiya, bukod pa sa testimoniya ng kanyang mga testigo.

Read more...