Ilang ahensiya ng gobyerno, eskuwelahan inulan ng “bomb threats”

Dalawang kagawaran at tatlong iba pang ahensiya ng gobyerno ang kabilang sa mga nakatanggap ng “bomb threats” sa nakalipas na maghapon ngayon araw.

Kabilang sa mga nakatanggap ng pagbabanta sa pagsabog ng bomba ang mga pangunahing tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Information Agency (PIA); National Housing Authority (NHA) pawang nasa Elliptical Road; Commission on Higher Education (CHED) sa Diliman, lahat sa Quezon City; at ang pangunahing tanggapan din ng Department of Science and Technology (DOST) sa Bicutan, Taguig City.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at naberipika na walang sasabog na bomba.

Sa pag-iimbestiga, nagmula ang pagbabanta sa isang nagpakilalang Japanese national at nagbigay ng pangalan na Takahiro Karasawa, na nagsabing isa siyang “bomb maker.”

Si Karasawa din ang nagbanta na may sasabog sa MRT 3 noong nakaraang Setyembre.

Sa pamamagitan ng email ipinadala ang pagbabanta sa Science Heritage Building sa DOST at wala din natagpuang bomba.

Ayon kay Sec. Renato Solidum noong nakaraang taon may mga katulad na pagbabanta din sa kanilang Philippine Nuclear Research Institute at sa  National Research Council of the Philippines.

Pasado alas-3 ng hapon nang may katulad na pagbabanta sa NHA at CHED.

Sa Balanga, Bataan nakatanggap din ng “bomb threat” ang Schools Division Office, maging ang pamahalaang-lungsod ng Olongapo.

May katulad na pagbabanta din sa isang korte sa Cebu City.

 

Read more...