P100 dagdag sa daily wage sa pribadong sektor nasa plenaryo na ng Senado

SENATE PRIB PHOTO

Inilatag na ni Senator Jinggoy Estrada ang panukala na madagdagan ng P100 ang arawang suweldo ng mga nagta-trabaho sa pribadong sektor.

Kasabay nito ang pag-endorso ni Estrada sa plenaryo na aprubahan ang panukala na mabebenepisyuhan ang 4.2 milyong manggagawa.

Sa sesyon kaninang hapon, ipinaliwanag ni Estrada na ang halaga ay mula sa orihinal na panukalang P150 dagdag.

Ayon sa namumuno sa Committee on Labor and Employment, ibinaba nila sa P100 ang panukala dahil halos lahat ng regional wage boards ay nagbigay na ng P30 hanggang P90 umento noong nakaraang taon.

“Bagama’t kinikilala natin ang wage hikes na ipinatupad kamakailan ng regional wage boards, tila nabura na ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin, kaya natin iminumungkahi ito. Ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa mas disenteng lebel ay napapanahon at talagang kailangan para ipantay, kahit papaano, sa pagtaas ng presyo ng bilihin,” paliwanag pa ni Estrada.

Sinabi pa nito na ang P610 na pinakamataas na daily wage sa Metro Manila ay bumaba na lamang sa P514.50 ang halaga dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin noong Hulyo at bumaba pa sa P504 noong nakaraang Oktubre.

Dagdag pa ni Estrada na sa ngayon kailangan ang isang pamilya ay may P8,379 kada buwan para lamang sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.

 

Read more...