Inanunsiyo ni Marcos Jr., na nasimulan na ang pamamahagi ng suweldo ng overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng pagsasara ng ilang kompaniya sa Saudi Arabia noong 2015 at 2016.
“Nais ko lang balitaan ang ating mga OFW na galing sa Saudi na patuloy na ang pagbayad ng insurance ng Saudi Arabia sa mga empleyado ng mga kumpanyang nabangkarote na nag-file ng claim sa insurance,” ayon sa pangulo.
Aniya naproseso na ng Overseas Filipino Bank (OFB) at Land Bank of the Philippines (LBP) ang 1,104 Alinma Bank Indemnity Cheques.
Nabatid na kabuuang P 868,740,544 ng indemnity checks ang nabigyan na ng clearance ng Alinma Bank sa LBP at nailipat naman na sa Overseas Filipino Bank (OFB).
Sinabi pa ni Pangulong Marcos Jr., na ito ay pagtupad ng naipangako sa kanya ni Saudi Crown Prince Mohammed bin sa kanilang pagkikita sa ginanap na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand noong Nobyembre 2022.
“Patuloy nga ang pangako ng Crown Prince ng Saudi Arabia — ang pangako niya sa atin na ibabayad nila yung insurance claims. Kaya’t magandang balita ito para sa ating mga OFW sa Saudi,” dugtong pa ng Punong Ehekutibo.