Magiging bukas sa publiko ang lahat ng diskusyon ukol sa Resolution of Both Houses Number 6, na ang layon ay maamyendahan ang ilan sa economic provsions sa 1987 Constitution.
Ito ang pagtitiyak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa pagsisimula ng pagdinig ng Subcommittee on Constitutional Amendments, na pinamumunuan ni Sen. Sonny Angara, sa naturang resolusyon.
Sinabi pa nito na ang bahagi ng kanilang trabaho ang magsagawa ng mga pagdinig bukod sa pagpapanukala ng mga batas.
“Ang bottomline po dito is ginagawa ng Senado ay ‘yung ating trabaho. Trabaho po natin ito. Kaya naman namin isabay ang pagdinig at pag-investigate,” aniya.
Dagdag pa nito: “Kasi hindi naman tayo ganon ka-busy sa paggawa ng mga resolusyon supporting our Senate President or supporting Senator Imee Marcos kasi dito po sa Senado, alam na natin kung ano ‘yung tama at hindi na kailangan ng mga ganyan kasi alam naman nila na they have the support of the Senate.”
Diin pa niya, ang paghahain ng RBH No. 6 at ang pagsasagawa na ng pagdinig ukol dito ay alinsunod sa nais ni Pangulong Marcos Jr., na pangunahan ng Senado ang pagtalakay sa pag-amyenda sa ilang probisyon sa Saligang Batas.
Pagtitiyak na lamang din ni Villanueva na hindi nila mamadaliin ang proseso sa katuwiran na kailangan ay marinig ang boses ng lahat at walang itatago sa sambayanan.
Noong nakaraang linggo, nakapagsagawa na ng dalawang pagdinig ang Committee on Electoral Reforms, na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos, ukol sa kontrobersiyal na people’s initiative.
Dinipensahan naman din niya sina Marcos, Sens. Ronald dela Rosa at Christopher Go sa mga batikos sa naisagawang pagdinig sa Davao City.
“Wala po tayong itatago dito at higit sa lahat wala pong kalokohan gaya ng mga nadiskubre ng ating mga kasamahan noong nagpunta sila sa Davao with Senator Imee, Senator Bato and Senator Bong Go,” diin nito.
Hindi din aniya nila ihihinto ang mga pagdinig dahil sa panawagan na “ceasefire” sa bangayan ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa katuwiran na patuloy nilang iimbestigahan ang mga maaring anomalya, paghahanap ng ebidensiya at pagpapanagot sa mga maaring responsable
“Linawin ko lang po kasi yung sinasabing ‘ceasefire,’ eh ‘ceasefire’ sa usapin ng PI, kaya we will refrain from debating on this issue. Pero ‘yung ‘ceasefire’ po does not mean ‘cease working’ or ‘stop the PI inquiry’ . . . kung may nakita po tayong sablay,” dagdag pa ng senador.