Humingi ng “time out” si Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa sobrang atensyon sa Charter change at hiniling na magkaroon ng imbestigasyon sa cyber attacks sa websites ng ilang ahensiya ng gobyerno.
Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution No. 923 at binanggit ang pahayag ng Department of Information and Communications Technology ukol sa mga insidente sa website ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Coast Guard (PCG), at Department of Justice (DOJ).
Ayon sa DICT base sa kanilang paunang pag-iimbestiga, hinihinalang mula sa China ang hackers.
Sabi pa ng senadora na habang abala ang lahat sa isyu ng Charter change, patuloy ang panghihimasok ng China sa Pilipinas.
Makakabuti aniya kung ang enerhiya ay ginagamit sa pagpapalakas ng mga batas para sa pambansang segurida at hindi nasasayang ang panahon sa interes ng iilan na patukoy niya sa people’s initiative.