P300M inilaan sa 2024 budget para sa nutrition program – Win

INQUIRER PHOTO

Ipinaalala ni Senator Sherwin Gatchalian na may nailaan na P300 milyon sa 2024 national budget para sa  mga programang pang-nutrisyon sa mga batang mag-aaral.

Paliwanag ni Gatchalian layon ng mga programang ito na sabayan ang Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP) at tutukan ang mga fifth- at sixth-class municipalities na may stunting rates na mahigit 15%.

Bukod sa mga bata na wala pang limang taong gulang, benepisaryo din ng programa ang mga babae na maselan ang pagdadalantao.

Ang PMNP ay isang proyekto na tatagal ng apat na taon at ikinakasa ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tutukan ang nutrisyon sa iba’t ibang mga local government units (LGUs).

Sa ulat na pinamagatang Miseducation: The Failed System of Philippine Education,” pinuna ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na kung ihahambing sa 22.3% na global average, ang Pilipinas ang isa sa may pinakamaraming limang-taong gulang na batang apektado ng stunting (26.7%). Ang EDCOM II ang nagpanukala ng pondo para sa mga ina at batang may matinding pangangailangan sa nutrisyon.

“Isa sa mga naging rekomendasyon ng EDCOM II para sa taong 2024 ang paglalaan ng pondo para sa mga ina at batang nasa peligro ang kalusugan. Patuloy nating pagsisikapan na tugunan ang pangangailangan ng ating mga kabataan pagdating sa nutrisyon, lalo na’t may malawak na epekto ito sa kanilang kakayahang matuto at magkaroon ng magandang buhay,” ani Gatchalian, na co-chairperson ng EDCOM II.

Pinuna rin ng EDCOM II na hindi tuloy-tuloy, mababa ang coverage, at hindi epektibo ang targeting ng mga programang pang-nutrisyon para sa mga batang wala pang limang taong gulang.

Bagama’t nakasaad sa Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act (Republic Act No. 11037) na mandato ng DSWD na pakainin lamang ang mga batang malnourished, pinapakain pa rin ng feeding program ng ahensya ang lahat ng mga bata sa mga day care centers.

Binigyang diin din ni Gatchalian ang mahalagang papel ng mga LGU sa paghahatid ng mga programa para sa feeding at nutrisyon. Inihain niya ang Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029) na layong patatagin at iangat ang paghahatid at kalidad ng mga programa para sa early childhood care and development (ECCD).

Read more...