Sen, Bong Go kinondena ang panloloko, panunuhol sa people’s initiative drive

OSBG PHOTO

Ipinagdiinan ni Senator Christopher “Bong” Go na sablay sa panahon at hindi angkop ang nabunyag na people’s initiative para amyendahan ang 37-anyos na Saligang Batas.

“Huwag nating pilitin ang isang pekeng PI para sa interes ng iilan. Kung proseso pa lang ng pagkuha ng pirma ay may halong panlilinlang na po, hindi pinaiintindi, marahil hindi po ito ang tamang panahon at paraaan para rebisahin ang ating Konstitusyon,”  sabi pa ni Go sa muling pagdalo sa pagdinig sa Davao City ukol sa mga reklamo sa people’s initiative.

Bago pa ang pahayag na ito, sinabi ni Go ang kahalagahan ng Saligang Batas bilang pundasyon ng demokrasiya sa bansa.

Aniya kung aamyendahan ang Konstitusyon dapat ay base sa tunay na kagustuhan ng mamamayan at mabibigyang prayoridad ang kapakanan ng mga mahihirap.

Nagpahayag din ng kanyang labis na pagkabahala ang senador matapos marinig ang mga testimoniya ng panunuhol ng pera at ayuda mula sa gobyerno kapalit ng pagpirma sa people’s initiative.

“Kung totoo ito, klaro na hindi ito tunay na People’s Initiative,” pagpupunto pa ni Go.

Aniya ang pagbibigay ng serbisyo at tulong sa mga nangangailangan ay walang kapalit.

“Ang pera ng bayan dapat gamitin para sa serbisyo sa ating mga kababayan. Walang kapalit ang tulong mula sa gobyerno. Pera niyo po ‘yan. Kung mayroong sinuhulan, bribery po ‘yan at hindi po yan free will ng Filipino people,” aniya.

Giit pa ng senador dapat ay managot ang mga nasa likod ng panunuhol at pagsasamantala sa mamamayan.

Dagdag pa niya dapat ang PI ay lubos na napag-aralan at ipinapaliwanag sa taumbayan.

“Dapat po nating tutulan ang uri at anyo ng nagmimistulang people’s initiative na isinusulong ngayon. Tinatanggal ang boses ng Senado na boses ng taumbayan. Magiging irrelevant po ang boses ng Senado. Parang balewala kami kung voting jointly ang magiging sistema,”  sabi pa ni Go.

 

 

 

 

Read more...