People’s initiative sa Cha-cha malabo na – Pangulong Marcos Jr.

PCO PHOTO

Nagpahayag na ng kanyang pagdududa si Pangulong Marcos Jr., kung opsyon pa sa pag-amyenda sa 1987 Constitution ang nagpapatuloy na people’s initiative.

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga Filipinong mamamahayag sa kanyang dalawang araw na state visit sa Hanoi, Vietnam, sinabi ni Marcos Jr., na wala pang desisyon ukol sa people’s initiative.

“As of now, the peoples initiative is, they’re continuing, but I don’t know if that is still one of the options that remains for us,” ani Marcos.

Sinabi niya na patuloy ang pakikipag-usap nila sa mga eksperto hinggil sa hindi kontrobersiyal na paraan ng pag-amyenda sa Saligang Batas.

Nabanggit niya na kabilang sa kanilang mga hinihingian ng paglilinaw ay si chief presidential legal counsel Juan Ponce Enrile at maging mga dating Punong Mahistrado ng Korte Suprema.

Noong Lunes, ibinahagi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na sa huling pag-uusap nila ni Marcos ay sinabi ng huli na ipapahinto niya ang people’s initiative dahil nais niyang mapanatili ang “bicameralism” sa pagitan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso.

Read more...