Maging ang mga nagpasimuno at nangunguna sa pagsusulong ng people’s initiative ay naituro si House Speaker Martin Romualdez.
Nangyari ito sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms, na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos, ukol sa mga kontrobersiya na bumabalot sa pangangalap ng mga pirma ukol sa people’s initiative.
Sa mga testimoniya nina Alfredo Garbin Jr., ang convenor ng People’s Initiative, at Noel Oñate, ang national convenor ng People’s Initiative for Reform Modernization and Action (PIRMA), lumabas ang naging bahagi ni Romualdez at iba pang mambabatas ng Kamara.
Una nang itinanggi ni Romualdez gayundin ng ibang kongresista na may kinalaman sila sa nabaunyag na mga kontrobersiya ukol sa pangangalap ng mga pirma.
Inamin ni Oñate na lumapit sila kay Romualdez para humingi ng suporta at nagbigay naman ito sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila ng mga miyembro ng Kamara sa pangangalap ng mga pirma.
Nabunyag na sa pangangalap ng mga pirma ay may mga pangako ng ayuda, bayad at iba pang uri ng sinasabing panunuhol.
Inusisa ni Sen. Francis Escudero si Garbin, na dating kinatawan ng Ako Bicol Party-list. sa pagsusulong ng people’s initiative kasama si Rep. Rizaldy Co, ang kasalukuyang namumuno sa House Committee on Appropiations at kilalang kaalyado ni Romualdez
Sa pagdinig ay inilabas din ni Sen. Marcos ang larawan na kuha gamit ang cellphone ni Oñate at kung saan kasama pa niya si Romualdez at Co.
Ayon kay Oñate ang larawan ay kuha sa pakikipagpulong nila kay Romualdez sa townhouse nito sa Forbes Park, Makati City.
Hinanap naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel III kay Oñate ang resibo ng kanilang mga ginastos sa pagsusulong ng PI kasama na ang TV ad na may titulong “EDSA-puwera” na nagtutulak ng pag-amyenda sa 1987 Constitution at nagkakahalaga ng P55 milyon.
Ayon kay Oñate malaking bahagi ng ginastos ay nagmula sa kanyang bulsa ngunit pinagdudahan ang kabiguan niya na patunayan ito dahila kawalan ng mga dokumento, kabilang na mga resibo.