MANILA, Philippines — Maaga pa para masira ang Uniteam ng mga Marcos at Duterte at ito ang labis na ikinahihinayang ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.
Ayon kay Pimentel malaking biyayang maituturing na magkasundo at maganda ang relasyon ng pangulo at ikalawang pangulo ng bansa.
Paalala pa ng senador na gumawa pa ng kasaysayan sina Pangulong Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte dahil nakuha nila ang pinakamataas na bilang ng mga boto noong 2022 elections.
Dagdag pa ni Pimentel maganda ang maidudulot ng magandang relasyon ng dalawang pinakamataas na lider ng bansa para sa mga programa bukod pa ang suporta ng 22 sa 24 senador at mayorya ng mga mambabatas sa Kamara.
Kaugnay naman sa pahayag ni dating Pangulong Duterte na nasa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Pangulong Marcos, sinabi ni Pinentel na hindi naman na ito bago.
Ipinaalala pa niya na noong kampaniya, sinabi na ng dating pangulo ang bisyo sa droga ni Pangulong Marcos Jr.
Naniniwala naman si Pimentel na hindi gumagamit ng droga ang Punong Ehekutibo.