Sen. Joel Villanueva sinabing may mga ebidensiya sa “pera para sa pirma”

OSJV PHOTO

Handa si Senate Majority Leader Joel Villanueva na isapubliko ang mga natanggap niyang sumbong at ebidensiya sa sinasabing panunuhol para sa pagpirma sa people’s initiative o PI.

Aniya ang mga ito ang magpapatunay na may kamay ang Kamara sa pangangalap ng mga pirma na magbibigay daan para maamyendahan ang Saligang Batas.

Sabi pa ni Villanueva na kung papayagan ay ihaharap niya ang mga ebidensiya at sumbong sa isasagawang pagdinig ng Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos.

Nabangggit pa ng senador na malaki ang posibilidad na may nagamit na pera ng taumbayan sa pagkilos ng ilang miyembro ng Kamara.

Samantala, sa pagharap ng 10 senador, sa pamumuno ni Pangulong Marcos Jr., sa Malakanyang kahapon, sinabi ni Villanueva na ang bilin sa kanila ng Punong Ehekutibo ay ituloy lamang ng mga senador ang kanilang trabaho.

Pag-amin din ni Villanueva na dahil sa tumitinding bangayan ng mga miyembro ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay masasabing mayroon ng “political crisis.”

Tiniyak na lamang din nito na patuloy nilang gagawin ang kanilang mga trabaho bilang mambabatas, kabilang na ang pagbibigay proteksyon sa karapatan ng mamamayan.

Nabanggit din ni Villanueva na para sa kanya ang sulat kay Senate President Juan Miguel Zubiri ni House Speaker Martin Romualdez ay insulto sa mga senador.

 

 

 

Read more...