Indonesia nanawagan sa bagong administrasyong Pilipinas hinggil sa seguridad sa Sulu Sea
By: Rod Lagusad
- 9 years ago
Nanawagan ang Indonesia sa bagong administrasyon ng Pilipinas na mapanatili ang seguridad sa Sulu Sea kung saan ang patuloy ang joint efforts ng dalawang bansa para mapalaya ang mga Indonesian national na binihag ng bandidong grupo sa bansa. Ayon kay Foreign Minister Retno LP Masurdi ng Indonesia, hindi nila kukunsintihin ang mga ganitong illegal na gawain kaya nanawagan sila sa gobyerno ng Pilipinas na siguraduhin ang seguridad sa Sulu. Ito ang naging pahayag ni Retno matapos makipagpulong kay Department of Foreign Secretary Perfecto Yasay. Dagdag ni Retno ang kanyang pakikipagpulong kay Yasay ay mahalaga sa pagpapanatili ng kooperasyon ng gobyerno ng Indonesia at Pilipinas sa pagpapalaya sa mga bihag. Binigyang diin ni Retno na ang pangunahing prayoridad ay ang kaligtasan ng mga bihag sa release efforts na kanilang isinasagawa. Ito na ang pangatlong hostage situation ngayong taon na kinakaharap ng Indonesia kung saan lahat ay may naganap habang dumadaan ang mga Indonesia nationals sa Sulu Sea sa timog na bahagi ng Pilipinas.