Hindi imposible na magkaroon ng “constitutional crisis” kung hindi pa matutuldukan ang banggaan ng Senado at Kamara ukol sa paraan para maamyendahan ang Saligang Batas.
Ito ang pinangangambahan ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito.
Paliwanag ni Ejercito kapag lumalim pa ang sigalot, posible na walang maipasang mga batas sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Isa aniya sa maaring maging daan upang maplantsa ang gusot sa pagitan ng mga senador at kongresista ay kung masusunod ang napagkasunduan nina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez sa harap mismo ni Pangulong Marcos Jr.
Magugunita na nang mag-usap sina Zubiri at Romualdez nagkasundo sila na susunod sa nais ni Pangulong Marcos Jr., na pangunahan ng Senado ang pag-amyenda sa ilang “economic provisions” ng 1987 Constitution.