Abu Sayyaf Group, gustong makipagnegosasyon sa Duterte administration

abu-sayyaf-2Nagpahayag ang Abu Sayyaf Group na nakabase sa Sulu ng kagustuhan na magkaroon ng dayalogo sa administrasyon ni President Rodrgo Duterte.

Kasunod nito, nagbabala ang bandidong grupo na kanilang papatayin ang kanilang bihag na Norwegian national na si Kjartan Sekkingstad sakaling tumanggi ang gobyerno sa kanilang kagustuhan.

Ayon kay Muammar Askali alyas Abu Rami, tagapagsalita ng Abu Sayyaf Group na nakabase sa Sulu na bukas sila na magkaroon ng pag-uusap sa pagitan nila at ng gobyerno.

Dagdag pa ni Askali, particular nilang gusto na makanegosasyon ay si Presidential Peace Adviser Secretary Jesus Dureza na siyang magsasabi ng kanilang mga hinaing kay Pangulong Duterte.

Ipinahayag din ni Askali na kung babalewalain lang sila ng gobyerno ay hindi na sila magbibigay ng ultimatum bagkus ay agad na nilang papatayin si Sekkingstad kung hindi sila makakatanggap ng tugon mula sa gobyerno magmula Biyernes hanggang sa susunod na Sabado.

Nauna ng nag-demand ang banddiong grupo ng 300 milyong piso kapalit ng kalayaan ni Sekkingstad.

Matatandaang pinugutan ng grupo ang mga kapwa bihag ni Sekkingstad, ang mga Canadian nationals na sina John Ridsdel at Robert Hall habang pinalaya naman ang Pilipinang si Marites Flores.

Read more...