Tiniyak ni Interior Secretary Benhur Abalos na tutulungan ang local film producers sa kanilang hinaing ukol sa mga binabayarang buwis gayundin ang pamimirata ng mga pelikula.
Nakipagpulong kanina si Abalos sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) na pinamumunuan ni Tirso Cruz III at sa mga kinatawan ng local entertainment industry.
Nagpahiwatig pa ang kalihim ng three-year moratorium sa koleksyon ng amusement taxes ng local governments units (LGUs) mula sa film producers.
“Meron na silang VAT, meron pa silang amusement taxes. VAT is 12 percent, (amusement) tax is 10 percent at kung nagsho-shooting sila, kaliwa’t-kanan na permits ang kailangan nila,” ani Abalos.
Nangako ito na kakausapin at kukumbinsihin ang mga lokal na opisyal na ipatupad ang moratorium para mapalakas na ang indutriya ng paggawa ng pelikula.
Nanawagan din si Abalos sa mga lokal na pamahalaan na mapadali ang pagkuha ng permits na kakailanganin para sa paggawa ng mga pelikula.