Mga sobrang gulay gamitin panlaban sa gutom – Loren

INQUIRER PHOTO

Sinabi ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na kailangan ng pangmatagalang solusyon sa isyu ng oversupply ng gulay sa bansa. Aniya maaring ikunsidera ng gobyerno ang paggamit sa mga sobra-sobrang gulay para masolusyonan ang problema sa kagutuman. Diin ni Legarda na sa kabila ng pagiging mayaman ng Pilipinas sa pagkain, milyong-milyong Filipino ang nahihirapan na makakain ng tatlong beses sa isang araw, kabilang na ang mga magsasaka. Bagamat aniya magandang hakbang ang ginagawang “rescue buys” ng gobyerno dapat ay may malinaw na istratehiya para maging maayos ang suplay ng mga gulay sa merkado, gayundin ang suporta sa mga magsasaka. Sa halip na nabubulok at nasasayang ang mga gulay maaring ipakain sa mga nagugutom at masuportahan ang sektor ng agrikultura. Dapat din aniya magbuhos ng pondo ang gobyerno sa pagsasaliksik na mapapakibangan ng sektor, pangangalaga sa suplay ng tubig at matatag na polisiya sa paggamit ng mga lupa. Kasabay nito, isinusulong ni Legarda ang iniakda niyang panukalang Zero Food Waste Act of 2022 para mabawasan ang nasasayang na mga pagkain at mapakinabangan ng iba ang sobra-sobrang pagkain.

Read more...