Tiwala si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na hindi maaapektuhan ang relasyon ng Pilipinas at China sa pagbati ni Pangulong Marcos Jr., kay Taiwan President-elect Lai Ching-te.
Sa kabila ito nang pahayag ng pagkadismaya ng China kay Pangulong Marcos Jr.
Inihalintulad ni Pimentel ang pangyayari sa tensyon sa pagitan ng dalawang bansa sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) na bagamat nagpapatuloy ay hindi naman nakakaapekto sa “bilateral relations” ng Pilipinas at China.
Ukol naman sa pang-iinsulto ng China kay Pangulong Marcos Jr., ayon kay Pimentel, bahala nang gumawa ng hakbang ang Department of Foreign Affairs (DFA).
Kasabay nito, pinayuhan na lamang ni Pimentel ang Punong Ehekutibo na iwasan na ang anumang pahayag na pabor sa Taiwan dahil sa umiiral na “One China Policy,”
Aniya kinikilala ng Pilipinas ang “One China Policy” kayat dapat ay maingat ang ating mga opisyal sa kanilang mga pahayag.