Kahapon naitala ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang pinakamataas na kita sa isang araw sa loob ng limang taon.
Nakapagtala ang PCSO ng P265 million in one-day sales, na pinakamataas mula noong Oktubre 14, 2018, kung kailan umabot sa P1.18 bilyon ang jackpot prize sa lotto.
Nagsimulang humataw ang lotto sales matapos ilunsad ng PCSO ang kanilang “Handog Pakabog” Christmas draw noong nakaraang Disyembre 16, kung kailan itinaas sa P500 milyon ang minimum guaranteed prize ng Grand Lotto 6/55 kasunod sa Super Lotto 6/49.
Itinaas din ang minimum jackpot prize sa Lotto 6/42 at Mega Lotto 6/45 sa P100 milyon bago ang pagtatapos ng nakalipas na taon.
Kagabi, nakuha na ang P640 milyong jackpot prize sa 6/49 lotto. Bago pa ito, noong Disyembre 29, isang kawani ng gobyerno sa Albay ang nanalo ng P571 milyon sa Ultra Lotto 6/58 draw.
Hanggang noong Lunes, higit P680 milyon na ang premyo sa Grand Lotto 6/55.
Noong nakaraang Nobyembre 1 hanggang 14, humigit sa P1 bilyon ang benta sa lotto at ang benta na P104.87 milyon ang pinakamataas sa isang araw simula nang ipatupad ang Philippine Lottery System (PSL) noong Oktubre 1.
Sinabi ni PCSO General Manager Mel Robles ang mataas na lotto sales ay patunay ng tiwala ng publiko sa lotto sa bansa.
Kayat nagpapasalamat si Robles sa mga patunay na tumataya sa lotto at hiningi nito ang patuloy na pagtangkilik sa kanilang mga laro dahil malaking tulong ito sa patuloy nilang pagkakawanggawa sa mga nangangailangang Filipino.