Pinag-aaralan pa ni Pangulong Marcos Jr. ang hirit ni Health Secretary Ted Herbosa na suspendihin ang limang porsiyentong pagtataas sa kontribusyon ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Presidential Communications Office Sec. Cheloy Garafil, binubusisi pa ng husto ni Pangulong Marcos Jr., ang naturang panukala.
“The President is studying the request,” pahayag ni Garafil.
Una rito, sinabi ni Herbosa na nagpadala na siya ng recommendation letter kay Pangulong Marcos Jr., na pigilin muna ang paniningil ng karagdagang kontribusyon sa mga miyembro ng Philhealth.
Paliwanag ni Herbosa, kawawa ang mga miyembro kung agad na tataas ng limang porsyento ang kanilang kontribusyon.
May sapat pa naman aniya na pondo ang PhilHealth upang tustusan ang pagbibigay benepisyo sa mga miyembro.