Naghain ng panukalang batas si Senator Jinggoy Estrada para magkaroon ng partisipasyon ang publiko sa pag-amyenda ng mga batas at paglikha ng mga bagong batas sa pamamagitan ng online platforms.
“Sa ilalim ng panukalang ito, maaari silang lumahok sa legislative process – mula sa First Reading, Second Reading at Third Reading – sa pamamagitan ng crowdsourcing,” paliwanag ni Estrada ukol sa inihain niyang Senate Bill No. 2344 o ang isinusulong na Crowdsourcing in Legislative Policymaking Act.
Sa panukala, maaring magkaroon ng “crowdsourcing” sa pagitan ng mga indibiduwal o grupo para sa iisang adhikain, paglalatag ng solusyon sa mga problema at para sa maayos na pagbibigay ng mga serbisyo.
Aniya sa pamamagitan ng social media o online portals ng Senado at ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO), maaring nang magbigay ng kanilang mga komento at suhestiyon ang netizens sa komita na dumidinig sa anumang panukalang-batas.
Matapos lamang maihain ang panukalang-batas, maari nang makibahagi ang publiko sa loob ng 15 araw.
At sa ikalawang pagbasa sa panukalang-batas, may tatlong araw para sa kanilang komento ang publiko, gayundin sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo.
“Noong kasagsagan ng pandemya, naging virtual ang lahat, pati ang pagpapasa ng batas at dito nakita natin na lumalahok ang mga resource persons sa mga pagdinig sa Senado o committee hearings,” ani Estrada.
Aniya ito ay para mapalawak pa ang maaabot ng Kongreso sa pagbalangkas ng mga panukalang-batas.