Pinatutukan ni Pangulong Marcos Jr. ang ibat-ibang ahensya ng gobyerno ang epekto ng El Nino sa ekonomiya.
Katuwiran ng Punong Ehekutibo, hindi maikakaila na aabutin pa ng hanggang halos kalahati ng taon ang panahon ng tagtuyot.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., mahalaga na agad na ipatupad ang mga hakbangin upang hindi sumirit ang presyo ng pagkain dahil sa kakulangan ng produksiyon.
Aniya, pagkain ang nangungunang dahilan ng pagbilis ng inflation at bagaman maganda na aniya ang itinatakbo ng ekonomiya, hindi pa rin dapat magpaka kampante dahil mayroon pang mga hamon na maaari aniyang magpabagal o posibleng maging dahilan ng pagkasira ng positibong pagtaya sa ekonomiya ng bansa.
Sabi pa nito, kabilang ang lumalalang tensyon sa pulitika sa ibang bansa ay maaaring makaapekto sa pandaigdigang kalakalan, magpahirap sa global financing at mag-udyok ng fuel at food shock na maaring magdulot na naman ng pagbilis ng inflation.
Pagdidiin din ni Pangulong Marcos Jr, isang hamon ngayon sa lahat ay hindi lamang palaguin ang ekonomiya kundi tiyakin na mararamdaman ng publiko sa lahat ng panig ng lipunan lalo na sa larangan ng imprastraktura, health care systems at educational system