Ikinatuwa ng ilang senador ang pagkakatalaga kay dating Senate President Pro Tempore Ralph Recto bilang bagong kalihim ng Department of Finance (DOF).
Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na walang kaduda-duda na mahusay na pamumunuan ni Recto ang DOF dahil sa Senado ito ang itinuturing na “resident numbers genius.”
Aniya mahusay sa mga numero si Recto at alam niya agad ang epekto ng mga ito sa ekonomiya.
Ayon naman kay Sen. Sonny Angara sa kahusayan at kaalaman ni Recto sa “political and fiscal structures” batid na may magandang ibubunga ito sa bansa at mamamayan.
Magandang karagdagan naman sa gabinete ni Pangulong Marcos Jr., ang dating senador, sabi ni Sen. Francis Escudero.
Nagpahayag na rin ito ng suporta kay Recto sa pagharap nito sa Commission on Appointments (CA) maging sa mga gagawing hakbang sa kagawaran.
Suportado din ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang dating kasamahan sa Senado dahil aniya malaking responsibilidad ang nakaatang ngayon sa mga balikat ni Recto.