Imahen ng Itim na Nazareno balik-simbahan makalipas ang 15 oras

INQUIRER PHOTO

Umabot ng 15 oras ang itinagal ng Traslacion o ang prusisyon ng Itim na Nazareno ngayon taon.

Bago mag-alas-8 ngayon gabi ng ganap nang makapasok sa Simbahan ng Quiapo ang tinatawag na Vicario.

Ang mabilis na Traslacion ay sinasabing dahil sa bagong disenyo ng “andas.”

Sa ibinahaging datos ng pamunuan ng Simbahan ng Quiapo, mulas alas-12 ng hatinggabi kanina ay nakapagtala ng 1,398,500 deboto sa simbahan.

Samantala, mula ala-5 ng madaling araw kanina o sa umpisa ng Traslacion hanggang ala-6 ngayon gabi, umabot sa 6,532,501 deboto ang nakibahagi sa Traslacion.

Hindi pa kasama sa bilang ang mga nagtungo sa Quirino Grandstand para sa tradisyonal na “Pahalik” gayundin ang mga dumalo sa novena masses sa Quiapo Church simula noong Disyembre 31, 2023.

Ipinaliwanag na ang mga numero ay base sa pagtataya ng mga pulis, gayundin ng mga volunteers na nasa 11 “segments” at 14 prayer stations.

Hindi pa makumpirma kung ang higit na 6.53 milyon na nakibahagi sa Traslacion ang pinakamataas o pinakamarami sa kasaysayan ng naturang prusisyon.

 

Read more...