Mapait sa panlasa ni Senator Raffy Tulfo ang pagbili sa China ng ipagbibiling modern jeepneys sa Pilipinas.
Katuwiran ni Tulfo kayang-kaya ng mga Filipino na mag-assemble ng modern jeepneys sa mas murang halaga.
Aniya ang China-made modern jeepneys ay nagkakahalaga ng P2.6 milyon hanggang P2.9 milyon bawat unit.
Samantalang, ang gawa ng local manufacturer ay magkakahalaga lamang ng P900,000 hanggang P985,000 bawat isa.
Dagdag pa niya kung locally-made ang bibilhin, mas kakayanin ng subsidiya mula sa gobyerno ang bagong modern jeepney na bibilhin at babayaran ng hulugan ng mga operator at driver.
Bukod pa dito, magkakaroon ng trabaho ang mga Filipino na gagawa ng modern jeepneys.
Posible rin, dagdag pa ni Tulfo, na mapanatili ang porma at disenyo ng makabagong jeepney gaya ng traditional jeepneys.