Amihan, shear line magpapa-ulan sa ilang bahagi ng Luzon

Apektado ng pagsasama ng malamig at mainit na hangin ang silangang bahagi ng Luzon, samantalang ang amihan naman ang nakaka-apekto sa ilang bahagi ng Hilaga at Gitnang Luzon. Magiging maulap na kalat-kalat na pag-ulan sa Mainland Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon, Camarines Norte, at Kalayaan Islands dahil sa “shear line” at low pressure area (LPA). Kaya’t nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng posibleng pagkakaroon ng flashfloods at landslides kapag malakas ang pag-ulan. Ang Cordillera Administrative Region, natitirang bahagi ng Cagayan Valley, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Rizal, at Laguna naman ay magiging maulap at makakaranas din ng mga pag-ulan dahil sa amihan. Ang Metro Manila, natitirang bahagi ng Ilocos Region at Central Luzon, gayundin sa CALABARZON ay bahagyang magiging maulap na may mahinang pag-ulan bunga ng amihan. Samantala, magiging maulap din sa  Visayas, Mindanao, MIMAROPA, at natitirang bahagi ng Bicol Region at ang posibleng pag-ulan ay bunga ng “localized thunderstorm.”

Read more...