Sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na walang plano sa Kamara na i-impeach si Vice President Sara Duterte sa pagbabalik ng sesyon sa darating na Enero 22.
“Wala kaming plano po saka wala pang nakalatag na ano, complaint kaya wala pong–bakit naman ginagawan ng isyu,” ani Romualdez sa kanyang pagbabalik mula sa pagdalo nila ni Pangulong Marcos Jr., sa 50th ASEAN-Japan Commemorative Summit sa Japan.
Sinabi pa nito na walang impeachment complaint laban kay Duterte sa Kamara.
Hindi rin maaring maghain ng impeachment complaint ang isang miyembro ng Kamara, kundi maari lamang niya itong iendorso.
Dating magkasama sa Lakas-CMD party sina Duterte at Romualdez bago tumiwalag ang una nang maalis bilang senior deputy speaker si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, na sinundan nang pagbawi sa kanya ng titulong deputy speaker.
Una na rin sinabi ni Romualdez na nararapat lamang na irespeto at suportahan si Duterte gaya ng ginagawa sa Punong Ehekutibo.