Binigyan ng ultimatum ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Agriculture at National Irrigation Administration na tapusin sa loob ng apat na buwan ang mga mahahalagang irrigation projects sa bansa.
Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa inagurasyon ng Balbalungao Small Reservoir Irrigation Project sa Barangay San Isidro, Lupao, Nueva Ecija, sinabi nito na dapat matapos ang mga proyekto sa loob ng apat na buwan o sa Abril ng susunod na taon.
Paliwanag ni Pangulong Marcos, kailangan na maayos ang mga irigasyon sa bansa sa gitna ng El Nino na tumatama sa bansa na inaasahang mas magiging matindi pa pagsapit ng Mayo 2024.
Pinatitiyak ni Pangulong Marcos na dapat ay on time ang mga proyekto sa irigasyon pati na ang hydro power at watershed projects para mapakinabangan lalo na ng mga magsasaka.
Mahigpit na direktiba ni Pangulong Marcos na masigurong may sapat na water at power supply sa panahon ng matinding tagtuyot.
Kasabay nito, binago ni Pangulong Marcos ang istruktura ng Task Force El Nino.
Kailangan kasi aniya na may partisipasyon ang lahat ng tanggapan ng gobyerno na may kinalaman sa pagtugon sa El Nino para maibsan ang epekto.