Patuloy ang panawagan ni Senator Grace Poe na rebyuhin ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil sa kakulangan ng suporta sa mga operator at driver.
Ginawa ni Poe ang panawagan bunsod nang papalapit ng consolidation deadline sa huling araw ng taon.
“Nakaka-alarma na makitang hindi naaprubahan ang mga sinusulong natin proteksyon para sa mga drivers sa pondo ng PUV Modernization Program,” ani Poe.
Banggit niya na ngayon taon, pinaglaanan ng P1.6 bilyon ang program ngunit hindi kasama ang pagbibigay proteksyo sa kabuhayan ng may 300,000 drivers.
“Pinangakuan tayo na aaralin muli ang programa bago ang ano pa mang deadline ngayong Disyembre. Ngunit tulad pa rin ng nakalipas na anim na taon, puro pangakong napapako lang ang natatanggap natin dito sa Senado,” himutok ng namumuno sa Senate committee on Public Services.
Dagdag pa niya na simula 2018 ay pinondohan na ang pagbalangkas ng plano para sa mga ruta, na napakahalagang bahagi ng programa dahil dito madedetermina ang bilang ng mga pampublikong-sasakyan na bibiyahe sa ruta.
Sa kasalukuyan, 155 sa 1,575 LGUs pa lamang ang naaprubahan ang route plan.
“Bakit maraming deadline at requirements sa driver samantalang ang mga deadline ng DOTr at LTFRB para sa ruta nila ay hindi naman natutupad. Ngayon, nangangako na naman sila na may aprubadong ruta para sa kalahati ng bansa sa June 2024. Pero dahil wala ang probisyong ito sa budget, malamang ay aasa na naman tayo sa wala,” dagdag pa ng senadora.