Naglabas ng warrant of arrest ang isang korte sa Pasig City laban sa isang mataas na opisyal ng Fujifilms Singapore kaugnay sa isang kaso ng estafa.
Kinilala ang ipinaaaresto na si Atul Agrawal at ito ay base sa reklamo ng Sunfu Solutions Inc.
Una nang nagpalabas ng arrest warrant ang Pasig City RTC Branch 268 laban naman kina Ryo Nagaoka, Eric Koh, Anil Jacob John, Dinesh Mehra, John Paul Camarillo at Evan Reyes, pawang opisyal ng Fujifilms.
Ang kaso ay nag-ugat sa inisyu na First-Tier Distributorship Certification sa Sunfu para makasali ang kompaniya sa bidding sa pagbili ng mga hospital equipment ng Department of Labor and Employment noong Enero 2022.
Ngunit nagbigay din ng katulad na sertipikasyon ang Fujifilms sa ibang kompaniya na naging dahilan upang madiskuwalipika ang Sunfu, na nagsabing ang pangyayari ay malinaw na panlilinlang.
Sumuko at nagpiyansa na sina Reyes at Camarillo, samantalang tumakas na ng bansa si Nagaoka, na nagpetisyon na mapawalang-bisa ang inisyu sa kanya na hold departure order na ibinasura naman ng korte.
Magpapatuloy ang pagdinig sa kaso upang mabigyan ng hustisya ang diumanoy panlilinlang sa Sunfu.