Mga pa-VIP bawal sa mga miyembro ng gabinete

 

Presidential Photographers Division

Bawal na ang pa-VIP.

Ito ang kauna-unahang bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng kaniyang Gabinete sa kanilang pulong kung saan inihayag niya ang mga plano para sa bagong administrasyon.

Paliwanag ni Duterte, dapat kapantay lamang nila ang mga kapwa nila Pilipino at hindi kailangang itrato ang mga kawani ng gobyerno sa espesyal na pamamaraan tulad ng pagpapatigil ng mga aktibidad para sa isang tao.

Inatasan niya rin agad si Transportation Sec. Arthur Tugade na alisin na ang “no-fly zone” protocol na ginagawa para magbigay daan sa presidential flights.

Aniya, ang 30-minutong delay sa biyahe ay posibleng mauwi sa kanselasyon na ikakaabala ng mga pasahero lalo na sa mga paliparan na walang operasyon sa gabi.

Sinabi rin niya na kailangang agad na malapatan ng solusyon ang overcrowding sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kaya inatasan niya rin si Tugade na pag-aralan ang pagpapatayo ng kalsadang babagtas mula Metro Manila diretso hanggang Clark Field sa Pampanga nang mas mabilis.

Samantala, iniutos rin ni Pangulong Duterte sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na dapat nang itigil ang online gambling sa bansa.

Giit niya, ito ay para mapigil ang pag-lipana ng pagsu-sugal sa bansa, lalo na’t hindi naman alam ng pamahalaan kung paano sisingilin ng buwis ang mga ito.

Bukod dito, nais ring ayusin ni Duterte ang problema sa mga fixers sa mga ahensya ng gobyerno.

Read more...