Humihirit si Finance Secretary Benjamin Diokno kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang apat na panukalang batas sa pagbubuwis na naglalayong pondohan ang budget para sa susunod na taon.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, partikular na tinukoy ni Diokno ang panukalang batas na Excise Tax on Single-Use Plastic Bags, Excise Tax on Sweetened Beverages and Junk Food, Value Added Tax on Digital Service Providers at Package 4 of the Comprehensive Tax Reform Program.
Sabi ni Diokno, makadagdag ang malilikom buwis na pondohan ang panukalang P5.768 trilyong national budget para sa taong 2024.
Layunin din aniya nito na makamit ang 5.1 percent deficit-to-gdp target para sa susunod na taon.
Hindi naman matukoy ni Diokno kung pagbibigyan ni Pangulong Marcos ang kanyang apela na i-certify na urgent ang apat na panukalang batas.
Sa ngayon, nasa advanced stage na ng pagbalangkas ng Senate Committee on Ways and Means ang mga panukalang batas.