Programa ni Pangulong Marcos kontra gutom, kahirapan epektibo: NAPC chief

 

Patunay na epektibo ang mga direktiba at programa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sektor ng agrikultura ang bahagyang pagbaba nang mahigit isang milyong pamilyang nakararanas ng gutom at kahirapan.

Ito ang pahayag ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary Lope Santos III nang iulat ng OCTA Research na mahigit 1.3 milyong pamilya ang nakaraos sa gutom, samantalang 1 milyong pamilya naman ang umangat mula kahirapan.

“We defied the odds,” pahayag ni Santos, nang pinuri niya ang mga direktiba ni Pangulong Marcos na kontrahin ang rice hoarding, tanggalin ang pass-through fees, palakasin ang produksyon ng mga Pilipinong magsasaka at ibenta ang NFA rice nang mura sa merkado.

Sinabayan pa ito ng targeted na ayuda sa mga namamasada ng pampublikong sasakyan at pagbuhos ng production support tulad ng abono and binhi sa mga  magsasaka.

Isinagawa ang survey noong Setyembre 30 hanggang Oktubre 4. Matatandaan na naharap ang bansa sa samu’t saring krisis tulad ng El Niño at nakaambang pagtaas ng presyo ng langis at bigas.

Ngunit sa kabila nito, tumaas nang 5.9 percent ang Gross Domestic Product ng Pilipinas at bumagsak sa 4.9 percent ang inflation.

Ayon kay Santos, bumalik din ang tiwala ng mga negosyante at foreign investors na nahikayat maglagak ng kapital sa ating bansa bunsod ng tamang polisiya at direksyon ng Pangulo.

Aniya, inaasahan ding mas determinado na ang administrasyong Marcos sa mga polisiya nito tungo sa mas masaganang sektor ng agrikultura at tuloy-tuloy na pag-angat ng mga Pilipino mula sa kahirapan.

Read more...