Mariin ang pagtanggi ni Senator Sherwin Gatchalian na may kaugnayan siya sa dalawa indibiduwal na nahuli ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation.
Pagdidiin ni Gatchalian na hindi niya kilala ang mga nahuli na sina Ryan Lester Dino alias David Luis Tan at Carlo Africa Maderazo.
Sinabi pa ng senador na hindi rin kawani ng Commission on Appointment (CA) o Senado ang dalawa.
Nang arestuhin sa Pasay City, nagpakita ng ID si Dino na may pangalan na David Luis Tan at nagpakilalang staff ni Gatchalian.
Samantalang si Maderazo naman ay nagpakilalang engineer at siya ang officer-in-charge ng mga proyekto ni Gatchalian.
Nagpapakilala sila sa mga contractor at nag-aalok ng mga kontrata kapalit ng malaking halaga ng pera.
Isang muntik na mabiktima ng dalawa ang nakipag-ugnayan sa opisina ni Gatchalian at isinumbong ang modus ng mga suspek.
Hinikayat ni Gatchalian ang mga maaring nabiktima pa ng mga suspek na makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa paghahain ng reklamo.