Naipamahagi na ng lokal na pamahalaan ng Makati City ang P569.47 milyong pondo na magsisilbing Chrismast bonus ng 8,185 city government employees.
Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, makakaasa rin ang mga kawani na tatanggap sila ng karagdagang P11,000 sa Disyembre kapag ni-release ang kanilang P5,000 na productivity incentive at P6,000 na clothing allowance.
Paliwanag ni Binay, kaya maagang ipinamigay ang year-end bonuses para makaiwas ang mga empleyado sa Christmas rush at makapamili na ng mga regalo at pang-Noche Buena.
Inaasahan din nya na makakatulong ang karagdagang halagang matatanggap sa Disyembre upang salubungin nila at ng kanilang mga mahal sa buhay ang Bagong Taon na puno ng saya at pag-asa.
Ayon kay Binay, base sa Human Resource Development Office (HRDO), ang regular at casual employees na may pinakamababang posisyon ay nakatanggap ng P42,800 na yearend bonuses, bukod pa sa PEI at clothing allowance na tatanggapin nila ngayong December.
Ang yearend bonuses na tinanggap ng bawat isa sa 3,536 regular employees at 4,649 casual employees ay binubuo ng halos dalawang buwang basic salary, P5,000 cash gift, at P12,000 incentive allowance.
Tiniyak din ni Mayora Abby na bukod sa cash benefits, tatanggap din ang lahat ng regular at casual employees ng tradisyunal na Pamaskong Handog gift bag. Naglalaman ito ng assorted canned goods, pasta at fruit salad ingredients, at t-shirts.