LTFRB: Walang phaseout ng traditional jeepney sa katapusan ng taon

Nilinaw ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na walang mangyayaring phaseout  ng traditional jeepneys sa darating na Disyembre 31.

Paliwanag ni Chairperson Teofilo Guadiz III ang tanging nais nilang makumpleto hanggang sa pagtatapos ng kasalukuyang taon ay ang “consolidation.”

Hindi naman ito aniya nangangahulugan na hindi papayagan ang mga traditional jeepney na pumasada.

“Kailangan pong tapusin ang consolidation sa December 31. Ang hinihingi lang po namin sa kanila ay yung tinatawag na substantial compliance,” sabi pa ni Guadiz.

Dagdag paliwanag pa ng opisyal kapag may aplikasyon para sa consolidation ay maari pa rin bumiyahe sa ruta basta madedetermina na “road worthy” ang kanilang unit.

Kasunod nito ay bibigyan sila ng 27 buwan para makasunod sa PUV modernization program.

“Hindi po totoo na within three, six, or nine months ay kailangan ka na pong magbago ng unit, wala pong katotohanan ‘yon, pawang kasinungalingan po ‘yon,” dagdag pa ni Guadiz.

Read more...