Naselyuhan na ng Amerika at Pilipinas ang kasunduan sa pagpapatayo ng kauna-unahang cancer hospital.
Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang naging saksi sa pagpira sa kasunduan sa pagitan ng AC Health at Varian Medical Systems.
Target nito na makapagbigay ng komprehensibong cancer care sa mga pasyenteng Filipino gamit ang state of the art at multi modality cancer care technologies.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang inisyatibong ito ay isang makasaysayan at makabuluhang hakbang para sa laban ng bansa sa cancer.
Pagpapakita rin aniya ito ng lumalagong potensiyal ng Pilipinas bilang nangungunang healthcare destination sa Asya.
Nakapaloob sa kasunduan ang pagtatatag ng AC Hhealth ng healthway cancer care na magiging isang network ng oncology clinics sa buong Metro Manila.
Nabatid na ang cancer ang ikatlong pangunahing dahilan ng kamatayan sa Pilipinas na may higit 141,000 na mga bagong kaso kada taon.
Sa naturang bilang, nasa 86,000 ang namamatay sa cancer sa kada taon.
Kaugnay nito, target ng pamahalaan na magtatag ng 16 na cancer care specialty centers sa buong bansa, sa ilalm na ang republic act number 11215 o national integrated cancer control act sa layuning mabawasan ang bilang ng mga nagkakasakit ng cancer.
Kasabay nito, pumirma rin ang Lloyd Laboratories sa isang kasunduan sa Difgen Pharmaceuticals LLC para sa pagsasanib-pwersa ng mga ito sa paghahain ng Abbreviated New Drug Applications (ANDA) at pagbebenta sa Amerika ng mga lilikhain nilang pharmaceutical products.
Nasa dalawumpung milyong dolyar ang ibubuhos na investment ng Lloyd Laboratories para sa pagpapatayo nila ng manufacturing facility sa Pilipinas na aprubado rin ng US Food and Drug Administration (FDA) at maaaring magpaangat sa bansa bilang key player sa global pharmaceutical industry.