Corruption at pang-aabuso ng mga ‘bad eggs’ sa PNP, tumitindi—‘WAG KANG PIKON ni JAKE J. MADERAZO

 

Pagdating ng December 3, may uupo na namang bagong PNP chief kapalit ni Gen. Benjamin Acorda Jr. At siyempre, katakut-takot na balasahan na naman ang mangyayari depende kung sandali lang o matagal na panahon ang termino ng papalit sa kanya.

Pero, ang nakakalungkot, hindi pa rin tumitigil ang kalokohan sa PNP kahit pa naunang dinismis ng Malakanyang sa serbisyo ang tatlong heneral at labinlimang koronel dahil sa pagkakasangkot sa “illegal drugs”. Nitong Lunes, inirekomenda ng House committee on Dangerous drugs, na sampahan ng kasong kriminal ang mga heneral at mga pulis na sangkot sa nahuling 990 kilo o P6.7B na halaga ng shabu sa Tondo, Maynila noong nakaraang taon.

Nito namang nakaraang buwan, 44 na pulis ng Southern Police District, kasama ang mga pulis sa Tambo Sub-station 2 Paranaque ang sinibak dahil sa isang raid sa Parksuites condominium, kung saan hindi dineklara sa report ang P27M cash. Kabilang sa natanggal sa pwesto dahil sa pangyayaring iyan si SPD regional director Brig. Gen. Roderick Mariano.

Halos kasabay nito, tinanggal din ang Pasay city police chief Col. Froilan Uy at Substation1 commander Capt. Antonio Cataluña at dalawamput isa pang opisyal dahil sa nadiskubreng sex den, human trafficking, online gaming hub sa isang six-story building na 500 metro lang ang layo sa istasyon.

Sa Navotas, nariyan din iyong anim na pulis na pumatay sa walang armas at kaawa-awang teenager na si Jerhode Baltazar na napagkamalang “murder suspect”. Inalok pa ng mga pulis ng P50,000 ang pamilya ng biktima para iatras ang reklamo. Pinaaresto na ng Navotas RTC branch 286 ang mga pulis, apat dito ay sarhento, isang corporal at isang patrolman sa kasong murder na walang piyansa.

Doon naman sa nawawalang beauty queen na si Catherine Camillion, ang kanyang boyfriend at may asawang pulis na si Major Allan De Castro ang itinuturong suspect. Diumano, binubugbog nito ang biktima at napag-alamang siya ang huling kasama nito nang mawala. Sinampahan na siya ng kasong kidnapping ng PNP-CIDG at bodyguard na si Jeffrey Magpantay at dalawa pang suspect.

Marami talagang mga pulis ngayon lalo na sa mga “substations” ang sinasabing kasangkot sa mga illegal na aktibidad tulad ng “robbery extortion”, hulidap sa kanilang mga inaarestong tao, na karaniwan naman ay hindi makapag-reklamo dahil sa takot.

Nitong Setyembre, ipinagmalaki ng PNP na tinanggal nila sa serebisyo ang 935 pulis dahil sa kasong “grave misconduct”. At mula Enero 2022 hanggang Agosto ngayong taon, 1,850 pulis na ang sinuspindi, 680 ang tumanggap ng “reprimand” at 242 ang na-demote, 159 ang binawasan ng sweldo, 110 ang na-barracks, 106 naman ang inalisan ng mga pribilehiyo. Kung ikukumpara sa buong populasyon na 220,000, talagang kokonti lamang ang mga “bad eggs” dito. Pero, ang problema po, mga high ranking officers ito, mga heneral, koronel, kayat hindi idapat balewalain.

Sa idinaos na oath taking ng mga 55 police general sa Malakanyang noong Setyembre, sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na ang patakaran niya ay “zero tolerance” laban sa police corruption, pang-aabuso nila ng kapangyarihan at mga illegal na aktibidad. Bagay na tumutuon ngayon sa magbabagong liderato sa PNP at ang matinding hamon niyang haharapin.

Sa totoo lang, dinoble na ng gobyerno ang mga sweldo ng mga pulis, at kapag nagretiro, buong-buo ang sweldo at pensyon nila. Pero, bakit marami pa rin ang nagloloko? Tila hindi nabubusog, lasing sa kapangyarihan o talagang gusto lang mang-api at magsamantala ng kapwa.

Kaya tingnan natin ang gagawin ng papasok na bagong PNP chief na walo raw ang ‘serious candidate”. Sila’y sina Lt. Gens. Rhodel Sermonia at Michael John Dubria, Major Gens. Emmanuel Peralta, Romeo Caramat Jr., Edgar Alan Okubo at Bernard Banac at Brig. Gens. Rommel Fransisco Marbil, at Jose Melencio Nartatez.

Si Sermonia ay magreretiro na sa Enero 26, samantalang si Marbil ay sa Pebrero, gayundin si Peralta. Si Dubria ay sa Disyembre 2024 pa magreretiro. Marami ang nagsasabing malaki ang pag-asa nina Nartatez, Caramat Jr, at Okubo, pero depende yan kay Pangulong Bongbong Marcos.

Ang kailangan natin ngayon ay isang super-higpit at walang bahid na bagong PNP Chief. At sana bigyan siya ng matagal-tagal na panahon sa kanyang pwesto upang magkaroon ng makatotohanang pagbabago at epektibong paglilinis laban sa mga korap at abusadong mga pulis. Matagal nang umaasa ng pagbabago ang mamamayan sa hanay ng mga pulis lalo na sa tinatawag ni PBBM na “New Philippines”.

Sana all at walang kikilingan ang “zero tolerance” para maalis na sa serbisyo at makasuhan ang mga lahat ng mga nang-abuso at mga corrupt na pulis sa PNP. Konti lang ang mga iyan, pero dapat walang tigil ang pagkalos!

 

Read more...