Ibinahagi ni dating Senator Leila de Lima ang ilan sa kanyang mga opsyon ngayon nabigyan siya ng pansamantalang kalayaan.
Sa isang panayam sa telebisyon, binanggit ni de Lima na kabilang sa kanyang plano ay ituloy ang law practice at balikan ang pagtuturo sa law school.
Bukod dito, ipagpapatuloy din niya ang kanyang mga adbokasiya.
Sa hiwalay na panayam, ayon kay Boni Tacardon, isa sa mga abogado ni de Lima, na sa ngayon ay ninanamnam muna nila ang pagpayag ng korte sa kanilang petisyon na makapag-piyansa.
Ngunit ngayon, ayon pa kay Tacardon, pinag-aaralan na nila ang gagawing pagkuwestiyon sa mga ebidensiya ng panig ng prosekusyon.
Kasunod nito ang paghahain ng petisyon na maibasura ang kaso.
Nakalaya kahapon si de Lima nang payagan na makapag-piyansa ng P300,000 sa natitirang drug case.
Anim na taon at siyam na buwan na nakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame si de Lima bunsod ng tatlong drug cases na inihain sa kanya.
Dalawa sa tatlong kaso ang naibasura na ng korte at sinundan na ito nang pagbaligtad ng mga iniharap na testigo laban sa kanya.