Nanawagan ang Southern Police District (SPD) sa publiko na huwag paniwalaan ang ibat-ibang teorya ng netizens kaugnay sa pagkamatay ng dalawang high school students sa isang public school sa lungsod.
Sa inilabas na pahayag ng SPD, naideklara ng walang “foul play” sa pagkamatay nina Irish Sheen Manalo, 13, at Mary Nicole Picar, 15.
Noong nakaraang Biyernes, Nobyembre 10, natagpuang nakabigti ang dalawa sa isa sa mga kuwarto ng Signal Village National High School.
Dagdag pa ng pulisya, nagsagawa ng post-portem examination ang SPD forensic team at ang resulta ang pinagbasehan ng kanilang deklarasyon na walang “foul play” sa pagkamatay ng dalawa.
Ibinahagi naman ni Col. Robert Baesa, hepe ng pulisya ng lungsod, hindi din buntis ang dalawang biktima.
Nagkomento ng kanyang-kanyang teorya ang ilang netizens base sa viral video kung saan napanood na nasa sahig na ang mga bangkay at hindi nakabitin mula sa kisame ng kuwarto.