Pinagbilinan ni Interior Secretary Benhur Abalos ang mga bagong halal na Sangguniang Kabataan officials na huwag magtalaga ng mga kaanak bilang kanilang ingat-yaman at kalihim.
“This appointment will mirror the SK officials’ credibility and shall be a precedent to their leadership. Kaya mahalagang simulan nila ito [appointment] nang tama. Bawal ang kamag-anak system sa pag-appoint ng SK secretary at treasurer,” aniya.
Kasabay nito, inilabas ni Abalos ang Department Memorandum Circular (MC) 2023-167 na ipinagbabawal na maitalaga bilang SK secretary at treasurer na kaanak ng mga halal na opisyal.
Bukod dito, sinabi din ni Abalos na dapat maitalaga ang mga kuwalipikadong kalihim at ingat-yaman ng SK sa loob ng 60 araw mula sa pag-upo ng mga bagong opisyal.
“Bukod sa pagdalo sa SK Mandatory training, isa sa mga unang responsibilidad ng bagong SK officials ang pag-appoint ng secretary at treasurer. Hinihiling ko lang na sana ay piliin nila yung qualified sapagkat sila ang mga makakasama din nila sa paglilingkod,” dagdag pa ng kalihim.