Marcos naghain na ng election protest kontra Robredo

 

Photo Release

Isinumite na ni Sen. Bongbong Marcos sa Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) ang kaniyang petisyon para isantabi ang proklamasyon kay Vice President-elect Leni Robredo.

Inihain ni Marcos ang 1,000 pahinang petisyon na may kaakibat na 20,000 pahinang affidavits, certificates fo canvass (COCs) at iba pang dokumento upang himukin at patunayan sa PET na siya ang dapat na ideklarang bise presidente.

Ayon sa petisyon, mula sa electoral fraud, mga anomalya at iregularidad ang mga botong nakuha ni Robredo sa nagdaang halalan.

Nakasaad rin dito na ang mga botong nakuha ni Marcos ay minanipula, binawasan at iniba para lamang lumabas na pumapangalawa siya sa vice presidential race.

Nakatuon rin sa kaniyang protesta ang muling pagbubukas sa mga ballot boxes sa bawat isa sa 36,465 na presinto mula sa Cebu, Leyte, Negros Occidental, Negros Oriental, Masbate, Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte, Bukidnon, Iloilo, Bohol, Quezon, Batangas, Western Samar, Misamis Oriental, Camarines Sur, second district ng Northern Samar, Palawan, Sibugay, Misamis Occidental, Pangasinan, Isabela, Iloilo City, Bacolod City, Cebu City, Lapu Lapu City at Zamboanga City.

Hiniling rin ni Marcos sa PET na ipawalang- bisa ang naging resulta sa halalan sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao dahil hinihinalang pre-shaded na ang mga balota.

Nais rin ni Marcos na magsagawa ng recount sa 22 probinsya at limang lungsod, at pinuna ang ilang umano’y mga nagawang paglabag ng Commission on Elections (COMELEC) at Smartmatic kaugnay sa Consolidation and Canvassing System.

 

Read more...