DA chief matabang sa importasyon

Pro-production, hindi pro-importation. Ito ang marching order ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ngayong umaarangkada na ang bagong liderato sa Department of Agriculture. Tiniyak ng bagong DA Secretary na papaboran ng kanyang ahensya ang pagpapalakas ng lokal na produksyon kaysa payamanin lalo ang mga importer. Bilang matagumpay na negosyante, naniniwala si Tiu Laurel Jr. sa kakayahan ng mga Pilipino na mapalago ang kanilang sakahan at maparami ang huli sa mga palaisdaan. Aniya, dapat lamang tutukan ng DA ang mga pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda, kaakibat ang malaking plano na i-modernize at i-mechanize ang kanilang kagamitan. Tuloy-tuloy pa rin ang mga programang sinimulan ni Pangulong Marcos sa DA tulad ng libreng binhi, pataba, tulong pinansyal at teknikal na suporta sa mga magsasaka. Tututukan din ng DA ang kahilingan ng Pangulo na buhayin muli ang mga reporma na inilatag ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. para iangat ang napag-iwanang agri-fishery sector. Ngayong 2023, naglaan DA ng P4.73 bilyong pondo bilang investment sa malakihang mekanisasyon at modernisasyon ng mga sektor ng agrikultura at pangingisda. Tiniyak din ni Pangulong Marcos na palalakasin din ang mga asosasyon at kooperatiba ng sektor para maiangat ang hanapbuhay ng mga magsasaka at mangingisda.

Read more...